IKA-17 TAUNANG PAGTATAPOS SA ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM
639 na mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) sa elementarya at sekundarya ang tumanggap ng Katibayan ng Pagtatapos ngayong Taong Panuruan 2023-2024.
Pinangunahan ni Dr. Felizardo O. Bolaños, Pansangay na Tagapamanihala ng mga Paaralan, ang pagdiriwang at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsusumikap upang marating ang minimithing pangarap. Ayon sa kanya, siya mismo'y nagtapos sa ALS, ang programa ay nagsilbing tulay para sa mga mag-aaral na matagumpay na nagampanan ang mga hinihingi ng K to 12 Curriculum. Aniya, ang ALS ay nagbubukas ng mga oportunidad para sa mas matatag na kinabukasan ng mga kabataan.
Nagpaabot ng birtuwal na mensahe si Bb. Elaine T. Balaogan, ang Regional ALS Focal Person, “bilang huwarang kabataan sa Bagong Pilipinas isinabuhay ninyo ang malalim na kahulugan ng pagiging matapang, may malakas na kaisipan at pagiging matiisin para sa pangarap na minimithi.” Dinagdag pa niya na may mga pagkakataong nagpapaalam sa amo o Boss para lamang makarating sa klase, naglakad ng malayo at naghanap ng mag-aalaga sa anak, Lahat ng balakid ay napagtagumpayan upang kamtin ang pagkakataong makapagtapos sa tulong ng ALS.
Nagbigay naman ng pagtanggap na mensahe si Dr. Ronaldo V. Ramilo, Kawaksing Pansangay na Tagapamanihala ng mga Paaralan, sa mga magulang at stakeholders tulad ng mga punongguro at Punong Barangay. Kasama rin ang mga Pampurok na Tagamasid ng Elementarya at Sekundarya at mga Pansangay na Tagamasid ng iba't ibang asignatura.
Inspirasyon naman ang hatid ng mensahe ng mga dating nagtapos sa ALS tulad nina G. Nelvin Comel Mano at Bb. Kaycelyn F. Monroyo, na nagpahayag na ang kahirapan ay hindi hadlang sa pag-abot ng pangarap. Binanggit nila ang kahalagahan ng sipag, tiyaga, lakas ng loob, at pakikisama sa mga taong handang tumulong.
Nagpasalamat si Dr. Lorna R. Medrano, Hepe ng Kurikulum, taos-pusong nagpaabot ng pasasalamat sa mga mag-aaral na nagtiyaga upang makatapos. Aniya, malapit sa kanyang puso ang ALS dahil nagbubukas ito ng pintuan sa mga kabataang hindi makadalo sa regular na klase dahil sa kahirapan, distansya, kakulangan sa pinansiyal, pagkaulila, o maagang pag-aasawa. Nagpasalamat din si Dr. Medrano kay SenCong Ralph G. Recto, Kgg. Mayor Eric B. Africa, sa mga magulang, guro, punongguro, at mga Barangay Captain na laging handang umalalay upang maging community learning centers ang barangay hall. Gayundin, pinasalamatan din ng Hepe ng Kurikulum ang mga punongguro na ang paaralan ay pinagdausan ng klase ng ALS.
Ayon kay G. Gerardo R. Mosca, SEPS ALS, "Ngunit dahil sa ALS, may paraan pa upang makapagtapos at magkaroon ng diploma. Sa tulong ng mga guro ng ALS, kapit-bisig ang Sangay at ang mga Barangay upang marating ng mga kabataan ang hinahangad na pagtatapos." Mula sa kabuuang bilang ng nagtapos, 41 na mag-aaral ay nagmula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Male at Female Dormitory, na kabilang sa Persons Deprived of Liberty. Ito'y nagpapakita lamang na sa Lipa City Division, lahat ng kabataan ay nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral, alinsunod sa tema ng pagtatapos ngayong taon, "Kabataang Pilipino para sa Matatag na Kinabukasan ng Bagong Pilipinas."
ctto DEPED Tayo Lipa City